KABILANG sa mga susunod na testigo ng House Prosecution Team sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Agosto 10, 11 at 12 sina dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta at dating Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer Edward Fajarda, na kapwa dating tauhan ni Vice President Sara Duterte.
Nagpalabas din ang impeachment court ng subpoena ad testificandum at subpoena duces tecum kina Acosta at Fajarda, gayundin ng subpoena para kay Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Audit Office Supervising Auditor Celine May Del Campo at House Legislative Information Resources Management Department Director Marivic Pareja.
Inaasahang ipagpapatuloy ni Del Campo ang kanyang testimonya sa muling pagbubukas ng paglilitis sa susunod na linggo.
Ang sinusuring ₱612.5 milyong confidential funds ay binubuo ng ₱500 milyon para sa OVP noong ikaapat na quarter ng 2022 at unang tatlong quarter ng 2023, at ₱112.5 milyon para sa DepEd noong unang tatlong quarter ng 2023, nang kalihim pa ng ahensya si Duterte.
Nauna nang tumestigo si dating Land Bank of the Philippines (LandBank) Department Manager Violeta Constantino, na nagsabing si Acosta ang nag-encash ng apat na Treasury checks na tig-₱125 milyon, o kabuuang ₱500 milyon, para sa OVP.
Samantala, sinabi naman ni dating LandBank Department Manager Nenita Camposano na si Fajarda ang nag-encash ng tatlong Treasury checks na tig-₱37.5 milyon, o kabuuang ₱112.5 milyon, para sa DepEd.
Kinilala rin ni dating COA State Auditor Roderick Wamil sina Acosta at Fajarda bilang mga special disbursing officer na tumanggap ng confidential funds at nagsumite ng liquidation documents para sa kani-kanilang tanggapan.
Ayon naman kay Private Prosecutor Lorna Kapunan, sina Acosta at Fajarda ang mga payee na nakasaad sa mga LandBank checks na naunang iniharap ng prosekusyon.
(TINA MENDOZA)
57 