P92.8 MILYON ANG USAPAN, P1 MILYON ANG PIYANSA?

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

NAPAILING talaga ako nang mabasa ko ang balita tungkol kay Bong Revilla. Pinayagan siyang makapagpiyansa ng P1 milyon sa kasong malversation na may kinalaman sa umano’y P92.8 milyon. Alam kong hindi pa ito katapusan ng kaso. May paglilitis pa at wala pang desisyon ang korte kung guilty ba siya o hindi. Pero bilang isang ordinaryong mamamayan, hindi ko maiwasang magtanong. Paano naging P1 milyon lang ang piyansa sa kasong may halagang P92.8 milyon?

Alam ko rin na ang piyansa ay hindi kabayaran sa perang sinasabing nawala. Hindi rin ito multa. Layunin lang nitong tiyakin na haharap sa korte ang akusado habang dinidinig ang kaso. Naiintindihan ko ang paliwanag ng batas. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit parang napakalayo ng halaga ng piyansa kumpara sa halagang sangkot sa kaso.

Kahit ano pang legal na paliwanag ang ibigay, normal lang na magtaka ang publiko.

Mas nakaiinis pa ang isang tanong na paulit-ulit kong naririnig tuwing may ganitong balita. Bakit nakatatakbo pa rin sa puwesto ang mga politiko na may mabibigat na kaso?

Hindi ko sinasabing bawal ang kanilang karapatan. May presumption of innocence ang bawat akusado. Pero bilang botante, gusto ko ring malaman kung sapat ba ang mga batas para maprotektahan ang tiwala ng tao sa mga halal na opisyal. Kapag may kaso na may kinalaman sa pera ng bayan, hindi ba dapat mas mataas ang pamantayan?

Kapag naririnig ko ang halagang P92.8 milyon, hindi lang numero ang naiisip ko. Ilang silid-aralan na kaya ang maipatatayo niyan? Ilang ospital ang maibibili ng kagamitan?

Ilang komunidad ang matutulungan? Kaya hindi nakapagtataka kung bakit emosyonal ang reaksyon ng marami. Ang perang pinag-uusapan ay hindi basta pera. Pera iyon ng taumbayan na dapat napupunta sa mga serbisyong kailangan ng lahat.

May isa pang bagay na matagal nang bumabagabag sa akin. Bakit parang mas magaan ang takbo ng proseso kapag may pangalan, pera, o kapangyarihan ang isang tao? Totoo man iyon o hindi, iyan ang nakikita ng maraming mamamayan. Kapag mahirap ang nasasangkot sa kaso, madalas hirap makakuha ng abogado at hirap makapagpiyansa.

Kapag sikat ang akusado, tila mas marami siyang pagkakataon. Kapag ganito ang nakikita ng publiko, hindi nakapagtataka kung bakit marami ang nagsasabing ang hustisya ay mas madaling maabot ng may kaya.

May nagsasabi na huwag na lang daw magreklamo dahil iyan ang batas. Totoo naman.

Kailangang sundin ang batas. Pero hindi ibig sabihin na bawal nang kuwestiyunin kung sapat pa ba ang mga umiiral na patakaran. Maraming batas ang nababago dahil may mamamayang nagtatanong at humihiling ng mas maayos na sistema. Kung paulit-ulit na may mga balitang nagdudulot ng pagdududa sa hustisya, hindi nakagugulat kung mas maraming tao ang naghahanap ng mga pagbabago sa paraan ng pagpapatupad ng batas at sa mga patakaran na may kinalaman sa mga opisyal ng pamahalaan.

Hindi ko hinahatulan si Bong Revilla. Trabaho ng korte ang magpasya kung may pananagutan siya o wala matapos ang buong paglilitis. Pero hindi rin puwedeng sabihing mali ang magtanong. Karapatan kong itanong kung bakit P1 milyon ang piyansa sa kasong may kinalaman sa P92.8 milyon. Karapatan kong itanong kung bakit may mga politiko na may mabibigat na kaso ang patuloy na nakababalik sa pulitika. At karapatan kong isipin kung para kanino ba talaga ang hustisya kapag ang ganitong mga balita ang paulit-ulit na nababasa ng publiko.

88

Related posts

Leave a Comment