LOCALIZED PEACE TALKS MAS PRODUKTIBO

TAMBULI ni JESSE RUIZ

ITO na siguro ang tamang panahon para isulong nang todo-todo ng mga local government unit ang localized peace talk lalo na sa mga lalawigan na may mangilan-ngilan pang nalalabing armadong guerilla ng Communist Party of the Philippines.

Kahit pa sinasabing bukas ang Marcos administration sa pagkakaroon ng peace negotiation sa pagitan ng gobyerno at ng New People’s Army, ang armadong galamay ng CPP-NDF, ay mas produktibo pa rin ang pagsasagawa ng mga localized peace talks.

Lantad na mas epektibo ang mga gobernador at alkalde sa paghikayat sa mga rebelde na sumuko dahil mas kilala nila ang kanilang komunidad at pamilya ng mga rebelde.

Dahil mas direkta ang kanilang komunikasyon sa mga nalalabing rebelde sa kanilang mga nasasakupan bukod pa sa mga kamag-anak na kayang magparating sa magandang alok ng pamahalaan, ay magiging mabilis ang pagkuha ng tiwala at pagkumbinsi para magbalik-loob.

Mismong ang tanggapan ng Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity ay naniniwala na ang localized peace talk ay mas magiging produktibo.

Ito rin ang dahilan kaya mahigpit itong inaayawan ng politburo ng CPP-NPA-NDF dahil mabilis silang mawawatak at mawawalan ng pangkalahatang kontrol oras na matikman ng kanilang mga tauhan sa kanayunan ang ginhawang alok ng pamahalaan.

Sa sigasig ng hukbong sandatahan na mawakasan na ang suliranin sa internal security, mabilis na nadudurog ang makakaliwang kilusan at ramdam na rin ang hirap ng pakikipaglaban nang walang suporta mula sa kanilang national leadership at maging sa mga komunidad na kanilang pinagkakanlungan.

Bagama’t mayroon pang nalalabing mga miyembro ng armadong grupo, maliit na lamang ang kanilang bilang at patuloy ang pagsuko ng mga dating rebelde at mulat na rin na ibinibigay na ng pamahalaan ang kanilang mga hinihinging programang pangkabuhayan at solusyon sa mga suliraning panlipunan na ipinaglalaban.

Kaya masasabing isa sa pinakamabisang hakbang ng pamahalaan ang localized peace engagement, kung saan nangunguna ang mga lokal na pamahalaan sa pakikipagdayalogo sa mga rebelde sa kanilang nasasakupan.

Ang estratehiyang ito ay naka-angkla sa 1987 Constitution, Local Government Code of 1991, at pinalakas pa ng Executive Order No. 70, na nagsusulong ng whole-of-nation approach sa pagwawakas ng lokal na armadong tunggalian.

Bukod sa alok na pangkabuhayan ay kaakibat nito ang pagbabagong-buhay tungo sa mapayapang pagbabalik sa dating lipunan na ginagalawan.

Pinananatili rin ng pamahalaan ang kapayapaan sa pamamagitan ng paghahatid ng imprastraktura, pangunahing serbisyo, at iba pang programang pangkaunlaran sa mga dating apektadong komunidad sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at civil society na unang nang idinaraing at ipinaglalaban ng mga NPA.

Sana bago matapos ang taong 2028 ay tulong-tulong ang lahat ng sektor na mawakasan ang internal security problem ng bansa para tuluyan na ring maharap ng gobyerno ang pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas na nahahadlangan ng giyera at ng bilyon-bilyong pisong ginagastos sa digmaan.

Sabi nga ni OPARU Secretary Mel Senen Sarmiento, ang isang bala ay katumbas ng kalahating kilo ng bigas.

88

Related posts

Leave a Comment