Sa simula pa lamang ay nagkamali na sa diskarte si Defense Secretary Delfin Lorenzana nang agad niyang ianunsyo sa media ang tungkol sa paglubog ng isang bangka ng mga Filipinong mangingisda matapos itong mabangga ng isang Chinese boat sa Recto Bank noong hatinggabi ng Hunyo 9.
Mismong sa Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12 nag-anunsyo si Secretary Lorenzana sabay pagkondena sa insidente kaya marahil nag-init agad ang damdamin ng mga Filipino kahit hindi pa kumpleto ang impormasyon na hawak ng kalihim ng tanggulang pambansa na nanggaling sa Philippine Navy.
Mabilis ding nagpalabas ng pagbatikos si Foreign Secretary Teodoro Locsin sa insidente na sinundan pa ni presidential spokesman Salvador Panelo ng posibilidad na pagputol ng diplomatic ties ng Pilipinas sa China.
Pitong araw ang lumipas pagkatapos ng insidente sa Recto Bank (na may international name na Reed Bank) ay saka pa lang nagsalita si Pangulong Duterte kung saan sinabi niya na maliit lang na aksidente ang nangyari sa 22 Filipinong mangingisda at hindi ito dapat maging mitsa ng giyera sa China.
Gaya ng inasahan, hindi nagpahuli ang ilang mga politiko at agad ding nakisawsaw sa isyu ng “Recto Bank incident” at ang pangunahing binatikos ay si Pangulong Duterte na tila raw naduduwag sa China at nawala ang tapang nito para ipagtanggol ang 22 Filipinong mangingisda na naging biktima ng aksidente.
Pati nga ilang artista na nagpiprisintang mga “social media influencer” ay nakisawsaw din sa isyu pero ni isa sa kanila ay hindi man lamang inalam ang buong litrato ng pangyayari at nagpadala na lang sa kanilang emosyon gaya ng ilang mga politiko.
Walang duda na malaki ang pagkukulang ng mga gabinete ni Pangulong Duterte partikular sa pagkuha ng tama at kumpletong impormasyon at nangangahulugan ito ng kagyat na pagkausap ng ating foreign secretary sa Chinese ambassador sa Pilipinas para makuha ang panig ng mga responsable sa pagbangga sa bangka ng mga Filipinong mangingisda. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
