Sa tagal ko na bilang isang OFW leader ay ngayon lamang naging malinaw sa akin ang kalakaran ng mga ahente ng mga aplikante para sa pag-a-abroad.
Kamakailan ay may isang dating ahente ang nakiusap na makipagkita sa akin upang ipagbigay-alam ang mga dati nilang kalakaran noong siya ay isa pang ahente ng mga ahensya sa Maynila.
Ayon sa kanya, ang kanilang gawain ay manghikayat sa kanilang probinsiya ng mga aplikante. At dahil siya ay taga-Mindanao, ang kanyang mga nakukuhang aplikante ay nagmumula sa mga liblib na barangay sa kanilang probinsiya upang hikayatin ang mga kababaihan doon. Gamit ang kanilang mga celphone ay ipinapakita nila ang mga litrato ng mga napaalis nila lalo na ang mga bahay na naipatayo ng dati nilang napaalis kung kaya madali nila itong nakukumbinsi.
Sa oras na makumbinsi nila, ay ipapaalam agad nila sa ahensya na kanilang pagpapasahan at ang kapalit ay magpapadala agad ng pera bilang paunang bayad. Kung may pasaporte na ang kanilang mahihikayat ay lalong mas malaking halaga ang makukuha nila sa ahensya.
Ayon sa sumbong ng dating ahente, may ilang ahensya ang kumukuha sa kanya na kahit alam na menor de edad pa ang aplikante, at uutusan pa siya na magpagawa na lamang ng fake birth certificate at sila na mismo ang magpapagawa ng pasaporte.
Isa pa sa aking natuklasan ay ang nakakabahalang gawain nila na kung saan maging ang mga volunteer advocates ay nagagamit para sa kanilang raket.
Ayon sa kanya, may ilan silang aplikante na mga datihan ng OFW, ang tanging gagawin nila ay ipapasok sa ahensya ang aplikante at sa oras na mabayaran siya na mahigit ng P40, 000 ay makakalipad na ang kanyang aplikante.
Sa pagdating ng kanyang kakutsaba na OFW sa ibang bansa, ay agad na itong gagawa ng drama o mga sumbong sa social media at mga grupo ng OFW volunteer upang siya ay matulungan na agad na mapauwi. At dahil nag-trending ang mga kaso ay makakauwi agad ang kakutsabang volunteer at maniningil na naman sa ahensya ng unpaid salary o un-expire portion of contract.
Matapos ng ilang buwan ay ipapasa na naman ng ahente sa ibang ahensya ang kakutsabang OFW upang doon naman masingil ang kanyang kumisyon bilang ahente at matapos na makalipad sa ibang bansa ay ganun muli ang gagawin ng kakutsabang OFW.
Dahil dito ay hinihikayat natin ang lahat ng mga ahensya na huwag na nilang kunsitihin ang mga ganitong gawain na pagkuha ng mga ahente sa probinsiya dahil maging sila ay mananagot sa anumang masamang mangyayari sa kanilang aplikante. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
