(NI KEVIN COLLANTES)
MAGSISIMULA na bukas, Hulyo 29, ang implementasyon ng bagong iskedyul ng mga biyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Sa paabiso ng LRT-1, nabatid na ang bagong oras ng huling byahe ng tren mula Roosevelt Station sa Quezon City, ay ganap na 9:45 ng gabi, samantalang sa Baclaran Station naman ay ganap na 9:30 ng gabi.
Nabatid na wala namang magiging pagbabago sa unang biyahe ng parehong istasyon na mananatili pa ring 4:30 ng madaling araw.
Ayon sa LRT-1, layunin ng pagpapatupad ng bagong iskedyul na bigyang-daan ang isasagawa nilang system upgrade sa rail line, para sa mas mabilis at mas ligtas na biyahe ng kanilang mga pasahero.
“Anunsyo: Simula Lunes, July 29, ang bagong oras ng huling byahe ng tren mula Roosevelt Station ay sa ganap na ika-9:45 ng gabi, samantalang sa Baclaran Station naman ay sa ganap na ika-9:30 ng gabi,” anunsiyo pa ng LRT-1. “Walang pagbabago sa unang biyahe ng parehong istasyon.”
Ang LRT-1, na pinangangasiwaan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ay bumibiyahe mula Roosevelt, Quezon City hanggang Baclaran, Parañaque City at pabalik.
