(NI ABBY MENDOZA)
MINOMONITOR ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang isang Low Pressure Area na nasa loob ng bansa sa posibilidad ma maging bagyo.
Ayon sa Pagasa, bagamat may posibilidad na maging bagyo ang LPA ay hindi naman ito tatama sa lupa at inaasahang agad din palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huling namataan ang LPA sa layong 550km Silangan ng Virac, Catanduanes.
Binabantayan din ng Pagasa ang tropical storm na nasa labas ng bansa na may international name na Wipha, ang nasabing bagyo ay tatama sa kalupaan ng southern part ng China.
Hinahatak ng naturang bagyo ang Habagat kaya naaapektuhan ng monsoon rains ang kanlurang bahagi ng Luzon at sanhi din ng pagtaas ng alon sa baybayin ng Ilocos Region, Bataan, Zambales, Occidental Mindoro at Northern Palawan na posibleng umabot ng hanggang 4.5 meters.
