(NI JESSE KABEL)
HINDI pinalagpas ng Philippine National Police (PNP) ang umanoy tila bastos na advertising ng motorcycle ride-hailing firm na Angkas sa kanilang tweet na mistulang inihalintulad ang kanilang serbisyo sa pakikipag-sex.
Pinuna ng PNP ang nag-viral na tweet ng Angkas, nang ipaskil nila sa twitter na ang ang kanilang serbisyo ay parang sex na masarap ulit-ulitin.
“Angkas is like sex. It’s scary the first time pero masarap ulit-ulitin,” ayon sa Angkas.
Sa pamamagitan din ng isang tweet , nag post ang PNP Hotline na hindi katanggap-tanggap sa commuters ang promotion ng Angkas at lalo lamang matatakot ang mga ito.
Ayon sa PNP Hotline na hindi itinataguyod sa naturang tweet ang public safety sa transport business.
“This is not acceptable to commuters. Matatakot ang tao sa Angkas ‘pag ganito. This is not promoting public safety in transport business anymore,” post ng PNP Hotline Twitter account.
Naka-tag pa sa tweet ng PNP Hotline ang twitter account ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para kunin ang atensyon ng ahensya.
Ang PNP Hotline Twitter account ay nasa pamamahala ng public information division ng PNP Directorate for Police Community Relations.
Kaugnay ng naging aksyon ng PNP , ay nagpasya ang angkas na alisin ang kanilang viral tweet at nagbigay na ng pahayag bandang alas-2:-00 ng madaling araw ng Huwebes.
Ayon sa Angkas, nagkamali sila sa kanilang promotion at humingi ng paumanhin sa mga hindi natuwa at nagduda sa integridad ng kanilang serbisyo.
Tiniyak ng Angkas na ang kaligtasan ng mga pasahero ang kanilang prayoridad.
Sinabi ng Angkas na ang sex ay dapat tinatalakay sa ‘matured’ at malayang paraan at hindi dapat magamit para magdulot ng takot, hiya at at gawing biro para lamang gumawa ng ingay.
Ayon kay PNP Spokesperson Bgen Bernard Banac, “Any public transport service provider that is granted government franchise to operate [is] expected to observe proper decorum in its engagement with public clients,”
Magugunitang kamakailan ay pinuna rin ang isang advertising ad ng Grab hinggil sa pagkuha sa serbisyo ng malalaking Grab unit na kayang magsakay ng marami nang gamitin nila ang larawan ng anim na artistang babae na iniuugnay sa actor na si Gerlad Anderson.
215