(NI ABBY MENDOZA)
TINIYAK ni House Speaker Alan Peter Cayetano na walang parked funds at walang pork barrel sa P4.1 Trillion 2020 national proposed budget.
Matatandaan na may P55-B parked funds ang naisiwalat sa 2019 budget at ang ganitong mga insertions ang dahilan kung bakit tumagal ang pag-apruba ng budget.
Binigyang-diin ni Cayetano na ngayong 2020 budget ay walang katulad ng isyung babalot sa aaprubahang budget at magiging transparent umano sila sa pag apruba nito.
Ang parked funds ay ang pondong inilalaan sa mga piling distrito na hindi nalalaman ng kongresistang nakakasakop dito dahil ang pondo ay gagamitin ng iba.
Ani Cayetano, lalabanan nila ang ganitong uri ng korapsyon at tiniyak na walang takipan, walang pabor na ibibigay sa kahit sinong kongresista at paiiralin ang transparency.
Sa panig ni House Majority Leader Martin Romualdez sinabi nito na “a thing of the past” na ang pork barrel at walang dapat na ipangamba dahil sa 2020 budget ay titiyakin nilang constitutionally compliant ito.
“We will comply with the Supreme Court ruling that outlawed any form of pork barrel. Definitely, the pork barrel system is a thing of the past. Line item budgeting system will be strictly observed to ensure transparency and accountability in the disbursement of public funds,”pahayag ni Romualdez.
Gayundin ang pagtiyak ni House Committee on Ways and Means chair Joey Salceda, aniya, walang pork barrel na budget at ang bulto ng pambasang pondo ay ilalaan sa social services.
“No fat, boneless, pure meat 2020 budget. Social services account to almost all of the increase in non-interest expenditures,”pahayag ni Salceda.
Samantala mag-aadjust ng oras ang Kamara sa plenary sessions para bigyang daan ang isasagawang marathon hearings sa 2020 proposed national budget.
Sinabi ni Cayetano, mula sa dating alas-3:00 na pagsisimula ng sesyon ng Kamara ay ililipat na ito ng alas 5:00 ng hapon upang mapagkasya ang apat na budget hearings sa loob ng isang araw.
Pahihintulutan pa rin ang mga committee hearings na walang kinalaman sa General Appropriations Bill subalit awtomatiko na itong kakanselahin kapag nakasalang na sa plenaryo ang budget.
