SOLUSYON SA MGA PANGUNAHING ISYU, INAABANGAN SA IKA-5 SONA NI PBBM

MAS maraming Pilipino ang nais marinig sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga konkretong solusyon ng pamahalaan sa mga pangunahing suliranin ng bansa kaysa sa ulat ng mga nagawa ng administrasyon.

Batay sa survey ng public affairs and stakeholder relations firm na EON, na inilabas isang araw bago ang ika-limang SONA ng Pangulo, 48.3 porsiyento ng 1,200 respondents ang nagsabing mas nais nilang marinig ang mga solusyon sa kasalukuyang mga problema ng bansa.

Samantala, 22 porsiyento lamang ang nagsabing nais nilang marinig ang mga accomplishment ng administrasyon.

Lumabas din sa survey na 35.6 porsiyento ng mga respondent ang gustong marinig ang mga hakbang laban sa korapsyon at reporma sa pamahalaan, habang 34.7 porsiyento ang naghihintay ng update sa mga naunang ipinangako ng administrasyon. May 32.8 porsiyento naman ang umaasang maririnig ang mga plano upang mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Bukod dito, 27.2 porsiyento ang nais makarinig ng tapat na pagtalakay sa mga suliranin ng bansa, habang 23.5 porsiyento ang naghihintay ng mga plano at programa ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Ayon sa EON, inuuna ng mga respondent ang agarang aksyon at pananagutan kaysa sa pag-uulat ng mga nagawa ng administrasyon.

Sa usapin naman ng mga isyung nais nilang matalakay sa SONA, 67.1 porsiyento ang nagsabing nais nilang marinig ang tungkol sa ekonomiya at inflation.

Kabilang din sa mga pangunahing isyung nais matugunan ng mga respondent ang trabaho at sahod (56.2 porsiyento), edukasyon (53.2 porsiyento), agrikultura at food security (47.3 porsiyento), kalusugan (44.7 porsiyento), cost of living (43.3 porsiyento), at crime and public safety (42.4 porsiyento).

Samantala, 30.8 porsiyento lamang ng mga respondent ang naniniwalang matutupad ng pamahalaan ang mga pangakong ilalahad sa ika-limang SONA.

Ayon sa Malacañang, magsisilbing ulat sa bayan ang SONA hinggil sa mga nagawa ng pamahalaan at mga panukalang batas na nais isulong ng administrasyon kasama ang Kongreso sa nalalabing dalawang taon ng termino ng Pangulo.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez na karaniwang inilalahad sa SONA ang report card ng administrasyon at ang legislative agenda nito.

“And just like in any other SONA, it’s a report card of the achievements, accomplishments of the year. And, at the same time, it sets the legislative agenda for Congress,” ani Gomez.

Ayon pa kay Gomez, si Pangulong Marcos mismo ang sumulat ng kanyang talumpati batay sa mga ulat ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at patuloy pa itong inaayos bago ihatid.

Hindi naman kinumpirma ng Malacañang kung tatalakayin ng Pangulo ang isyu ng umano’y anomalya sa mga flood control projects at ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Samantala, sinabi rin ng Malacañang na magiging simple ngunit marangal ang programa ng SONA, kung saan ang Radio Television Malacañang ang mangunguna sa produksiyon at ang PCO Chorale ang aawit ng pambansang awit.

Inatasan din ni Executive Secretary Ralph Recto ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang seguridad, traffic management, crowd control, at emergency response upang matiyak ang maayos at mapayapang pagdaraos ng SONA.

(JESSE RUIZ)

45

Related posts

Leave a Comment