(Ni MAC CABREROS)
Inihayag ni Education Secretary Leonor Magtolis Briones na piling subject o asignatura na lamang ang papayagang ipa-homework sa mga mag-aaral.
Sa panayam ng media, sinabi ni Sec. Briones na maglalabas sila ng panibagong patakaran at panuntunan hinggil sa nasabing usapin kung saan limitado ang ipapagawang assignment gaya ng Mathematics.
Sa ngayon, aniya, umiiral ang polisyang walang homework/assignment kapag weekends upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga bata at magulang na mag-bonding.
Naiulat na ipinanukala sa Kongreso nina Rep. Evelina Escudero at Alfred Vargas na ipagbabawal ang pagpapa-homework dahil napakalaki ang masamang epekto sa mag-aaral at relasyon nito sa mga magulang.
Samantala, ayon kay Sec. Briones, tatanggap sila ng 10,000 guro kada taon kung saan eksperto sa mga asignaturang naangkop sa apat na tracks ng Kt o12. Mag-hire din umano ang DepEd ng 5,000 non-teaching personnel.
Hinggil naman sa hinihirit na dagdag sahod ng mga guro, hindi sila kundi ang Department of Budget and Management ang magtatakda sa naturang umento dahil ito ay para sa pangkahalatang empleyado ng gobyerno.
Ipinaliwanag din Sec. Briones na nabawasan ang pondo ng Madrasah education ng ating kababayang Muslim bunsod nang nabuong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
