GOVERNORS’ CUP IMPORTS, KINUMPLETO NI WATTS

(NI JOSEPH BONIFACIO )

WALONG mga dating mukha at apat na baguhang reinforcements ang masisilayan sa pagbubukas ng 2019 PBA Governors’ Cup sa Setyembre 20.

Ito’y matapos makumpleto ang listahan ng mga import ng 12 koponan na magbabakbakan sa season-ending conference.

Pinangalanan ng Alaska si Justin Watts bilang kapalit ng naunang import na si Branden Dawson na hindi pumasa sa 6’5 height requirement.

Dumating sa bansa ang 29-anyos na international basketball veteran subalit hindi muna naglaro sa 79-92 kabiguan ng Alaska sa tune-up game kontra Korean team na KCC Egis kamakalawa.

Dating manlalaro ng University of North Carolina Tar Heels si Watts sa ilalim ng legendary coach na si Roy Williams.

Tinulungan nya ang UNC na magwagi ng US NCAA championship noong 2009, subalit bigong makasampa sa NBA nang maging undrafted noong 2012 NBA Rookie Draft.

Subalit sa kabila noon, hinasa ng 6’5” na si Watts ang kanyang basketball skills sa maraming interanational pro leagues sa Netherland, Qatar, Lithuania, Switzerland, Ausralia, Mexico, Japan at Uruguay.

Kamakailan lang ay sumabak si Watts sa Polish League kung saan siya naglaro para sa King Szczecin. Nagrehistro sya ng 9.9 puntos, 3.1 rebounds at 2.8 asssists.

Inaasahan ang malaking tulong ni Watts sa bagong bihis na Alaska Aces na hangarin ang pagbabalik sa Finals ngayong Governors’ Cup matapos ang runner-up finish sa Magnolia noong nakaraang taon.

Makakasama ni Watts ang bagong manlalaro na sina Maverick Ahanmisi at Abu Tratter gayundin ang beteranong sina Vic Manuel, Jvee Casio, Sonny Thoss at Chris Banchero ng Aces sa ilalim ng bagong mentor na si Jeff Cariaso na pumalit kay long-time mentor Alex Compton.

Isa lamang si Watts sa mga bagong imports ngayon kasama sina KJ McDaniels ng TNT, Dez Wells ng SMB at Khapri Alston ng Columbian.

Babalik naman ang mga resident imports na sina Justin Brownlee ng Ginebra, Romeo Travis ng Magnolia, Eugene Phelps ng Phoenix, Allen Durham ng Meralco, Aaron Fuller ng Blackwater, Olo Ashaolu ng NLE, Mychal Ammons ng Northport at Joel Wright ng Rain or Shine.

Sa Setyembre 20 magbubukas ang PBA Governors’ Cup.

 

345

Related posts

Leave a Comment