(NI BERNARD TAGUINOD)
HABANG nagkakandaugaga ang gobyerno sa paghahanap ng tubig para hindi mawalan ng supply ang mga tao, mistulang sitting pretty naman ang mga water concessionaires gayung trabaho ng mga ito na maghanap ng tubig.
Ayon kay Buhay party-list Rep. Lito Atienza, tinatrabaho ng Kongreso ang Department of Water at isinusulong naman ng gobyerno ang pagtatayo ng Kaliwa Dam para matiyak na hindi mauubusan ng supply ng tubig sa Metro Manila.
“Pero walang nagsasabi na …“uy, kayong dalawa nagnenegosyo sa tubig ha, kayong dalawang water concessionaires, kailangang magprovide kayo ng tubig. Dahil kung walang tubig, unang-una wala kayong negosyo,” ani Atienza.
Nilinaw ng mambabatas na responsibilidad ng Maynilad at Manila Water na tiyaking may sapat na supply ng tubig dahil ito ang kanilang negosyo subalit tila walang ginagawang aksyon ang mga ito simula nang kunin nila ang serbisyong ito, 22 taon na ang nakakaraan.
“Ang kailangan lang talaga, kolektahin at i-distribute ng tama. Sino ang gagawa nya, gobyerno? Hindi, mayron tayong binigyan ng kontrata eh, exclusive contract to collect and to distribute water,” ani Atienza na ang tinutukoy ay ang Maynilad at Manila Water.
“In exchange for that (kontrata o concession agreement), sabi nila magtatayo sila ng waste water cleaning facilities para yung tubig para paikot-ikot na lang. para ang mga ilog, dagat ay malinis,” ani Atienza.
Gayunpaman, sa loob aniya ng 22 taon, hindi pa naitatayo ng Maynilad at Manila Water ang kanilang waste waste facilities at habang nangangamba ang lahat dahil sa pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam, tila walang ginagawang aksyon ang mga ito.
“They are so secure in their places, parang wala silang gagawing paraan para bigyan tayo ng solusyon,” ayon pa kay Atienza kaya ikinagalak nito ang aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na iparebyu na ang concession agreement ng Maynilad at Manila Water.
Kinolekta na umano mga ito sa mga consumers ang perang ipantatayo sa mga pasilidad na ito sa pamamagitan ng environmental charge na 20% at 30% sa sewer charge subalit hindi ginagamit ng mga ito.
Nabatid kay Atienza na mula Hunyo 2006 hanggang Hunyo 2019, ay umaabot na sa P138 billion na ang net profit ng Maynilad at Manila Water.
178