MAHIGIT 500 TEENAGERs ANG NABUBUNTIS KADA ARAW?

PRO HAC VICE

Abay dapat nang maa­larma ang pamahalaan sa ulat na ito ng Council for Welfare of Children (CWC) na nagkukumahog ngayon upang matugunan ang nakakabahalang pagtaas ng bilang ng mga kabataang maagang nabubuntis.

Sa tala, mahigit 500 teenagers ang nabubuntis kada araw. Hahabulin na ba natin ang populasyon ng China?

Dahil dito ay susulat na ang CWC kay Pangulong Rodrigo Duterte upang mai­deklarang national emergency ang sitwasyon na ito ng mga teenager sa bansa na maagang lumobo ang tiyan.

Paliwanag ni CWC Undersecretary Mitch Cajayon-Uy na susulat sila at magpapatawag ng special meeting para makalampag ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Education, Department of Health at iba pa para makapagtulung-tulong para solusyunan ang problemang ito.

Pangunahing nakikitang dahilan ni Usec Uy sa paglobo ng bilang ng mga kabataang maagang nabubuntis ay ang kawalan ng sapat na gabay ng kanilang mga magulang.

At ang isa pa aniya sa malaking problema ay ang prostitusyon kung saan ang madalas pang salarin ay kamag-anak ng isang bata, na siya ring problema ng Department of Justice kaya hirap naman sila sa pagsusulong ng kaso laban sa mga salarin dahil umuurong na ang biktima kapag mga kaanak nila ang sangkot.

Ang totoo, ang kawalan ng pakialam ng mga magulang sa kanilang mga anak ang siyang malalim na dahilan kaya nagkakaganyan ang ilang kabataan at kapag nalalagay sa alanganin ang kanilang mga anak. Pag minsan nga pati gobyerno sinisisi sa kanilang mga kapabayaan!

Hay naku mga kabalat ko kailan pa kayo magigising?!

Department of Health, aba’y nasaan na ‘yung pangkontrol na mga kagamitan, di ba puwedeng maipamigay ‘yan sa mga ‘di makapigil na mga kabataan?

DPWH IN ACTION SA 6.6 NA LINDOL SA MINDANAO

Iba talaga ang mga opis­yal ng Duterte administration. Kumikilos kaagad nang ‘di na kailangan pang utusan, kumbaga mayroong sariling baon o galaw.

Ito’y makaraang kaagad na nagpadala ng team ang Department of Public Works and Highways sa ilang lugar sa Mindanao para mag-assess sa pinsala ng 6.6 magnitude na lindol na tumama roon kahapon.

Partikular na magtutungo ang team ng DPWH sa Davao, Davao del Sur, Davao Occidental, South Cotabato, North Cotabato, Agusan del Sur, Bukidnon, Sarangani, Sultan Kudarat at Zamboanga kung saan naramdaman ang malakas na pagyanig.

Layon nitong mainspeksyon ang lawak ng pinsala ng lindol sa mga istruktura roon.

Binuksan din ng DPWH ang kanilang hotline na 165-02 para tumanggap ng mga report, request para sa inspection at rescue. (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

197

Related posts

Leave a Comment