(NI ROSE PULGAR)
NABABAHALA ang Department of Trade and Industry (DTI) sa malaking itinaas sa presyo ng manok dahil sa kakapusan umano sa suplay habang makakabili na ang mga konsyumer ng mas mura ng bigas sa merkado.
Ayon sa DTI, sa kanilang monitoring sa Sangandaan Market sa Caloocan City, nasa P200 na ang kada kilo ng manok buhat sa dating P170.
Maging ang dating mura na paa ng manok ay mabibili na ngayon sa P150 kada kilo.
Sa Trabajo Market sa Maynila, nasa P180-P185 naman ang kada kilo ng manok.
Malayo umano ito sa P162 kada kilo na dapat na retail price dahil sa nasa P112 kada kilo lamang ang farm gate price ng manok, ayon sa United Broiler Raisers Association (UBRA).
Dahil dito, nanawagan naman ang DTI sa mga konsyumer na iulat sa kanila ang mga mapagsamantalang chicken stalls na nagbebenta ng manok mula P190 hanggang P200 kada kilo.
Pahayag pa ng DTI, maaring itawag ang mga reklamo sa kanilang telepono sa (02) 7751 0384 / (02) 7791 3101 mula Lunes hanggang Biyernes o sa kanilang DTI Hotline 1-DTI (384). Pwede rin na mag-email sa ask@dti.gov.ph o magpadala ng text message sa 0917-834-3330.
Ikinakatwiran ng mga negosyante ang may kakapusan umano sa suplay ng manok ngunit iginiit naman ng UBRA na sapat ang suplay nito maging sa papasok na Kapaskuhan.
Samantala, ipinagmalaki ng DTI na mas mura na umano ngayon ang bigas.
Ang regular milled rice na dating P34 ang kilo ay mabibili na sa P32 kada kilo. May ilan pa umanong retailers na nagbebenta nito sa halagang P28 lamang kada kilo.
Bumaba naman ang imported na ‘well-milled rice’ sa P33 kada kilo buhat sa dating P36.
181