(NI BERNARD TAGUINOD)
MAPIPIRMAHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2020 national budget na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion bago maghiwa-hiwalay ang mga mambabatas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso para sa Christmas breaks sa Disyembre 18.
Ginawa ni House committee on appropriation committee chairman Isidro Ungab ang nasabing pahayag bago ang kanilang pulong ni Senate Finance committee chairman Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara nitong Martes.
“Hopefully before the Christmas break, the budget will be signed already. That’s our target,” ani Ungab kaya kahit suspendido ang trabaho sa Kamara dahil sa bagyong Tisoy ay itinuloy ang pulong dahil “we have a deadline” na hahabulin.
Unang nagpulong ang Bicameral conference committee noong Nobyembre 29 sa Manila Polo Club sa Makati City kung saan nagpasya ang mga kinatawan ng dalawang Kapulungan na mag-usap muna sina Angara at Ungab upang ire-concile ang magkaibang bersyon sa national budget.
Magugunita na sinabi ni House finance committee chairman Rep. Joey Salceda na umaabot sa P235 Billion ang binago ng mga senador sa nasabing budget sa bersyon ng Kamara.
Ito ang dahilan kaya nagkaroon ng ilang araw na break ang bicameral conference meeting para pag-aralan ni Ungab ang bersyon ng Senado.
“Nevertheless, both panels agree on the need to pass and approve the national budget before the Christmas break.We will be working this week despite the typhoon,” ani Ungab.
Subalit sa impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon mula sa isang impormante sa Kamara, plano ng Senado at Kamara na maratipikahan sa plenaryo ng dalawang kapulungan ang national budget sa Nobyembre 9 o isang linggo bago ang kanilang Christmas break.
