2020 Olympic qualifiers pinalilipat
KASABAY ng pulong na isasagawa ng International Olympic Committee (IOC) hinggil sa isyu ng bagong coronavirus sa China, sinuportahan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang suhestyon ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na ilipat sa Pilipinas ang torneong nakatakdang gawin sa Wuhan, China.
Ang nabanggit na siyudad sa China ay host ng Tokyo 2020 Olympic boxing qualifers para sa Asia at Oceania sa Pebrero 3-14.
Kinumpirma ng China’s National Health Commission kahapon ang 291 kaso ng pneumonia-like virus.
Sa Wuhan nagsimula ang virus at may mga naiulat na ring kaso sa iba pang lugar sa China at maging sa Thailand, South Korea at Japan, kung saan gaganapin ang Summer at Paralympic Games ngayong taon.
Bunga nito, masusing naka-monitor ang IOC at maging ang Asian Football Confederation (AFC) sa magiging epekto ng nasabing virus sa mga nakatakdang event na gaganapin sa Wuhan.
Ngayong araw (Huwebes, Enero 23) magdedesisyon ang IOC, kung kinakailangang ilipat ang mga event sa ibang lugar.
“The boxing task force aims to take a final and informed decision on the matter by 23 January 2020, and it will immediately inform National Olympic Committees, National Federations and officials on any development,” laman ng kalatas mula sa IOC.
Dahil dito, nagpahayag ng kahandaan ang ABAP sakaling mapili ang Pilipinas na dito gawin ang qualifiers.
Ayon kay ABAP sec-gen Ed Picson, maaaring gawin ang torneo sa Subic, Cebu, Palawan at maging sa PICC, na siyang naging venue ng 30th SEA Games boxing event noong Disyembre.
Suportado naman ng POC ang ABAP sa panagawan sa IOC.
“The outbreak of a mysterious Coronavirus strain is alarming and we appeal to the International Olympic Committee (IOC) to seriously consider transferring the venue city and the dates of the tournament,” lahad ng sulat ni POC president Abraham Tolentino sa IOC.
Dagdag pa nito: “We likewise support ABAP’s suggestion to transfer the tournament to the Philippines. The POC will endeavor to assist in whatever way it can.” (VT ROMANO)
