HINDI lamang ang malalaking aktor at aktres ang makikinabang sa Occupational Safety and Health Standards Act (OSHA) sa film, television at theater industry kundi ang mga extra at crew members.
Ito ang tiniyak ni Quezon City Rep. Alfred Vargas sa nasabing panukala na mas kilala bilang “Eddie Garcia Act” na kasalukuyang pinagdedebatehan sa House committee on labor.
“I was close to Tito Eddie Garcia as I worked with him in 2 projects. Siguro, ito na rin ang legacy niya sa atin kasi hindi lang ‘yong mga sikat ang masasama dito kundi ang mga trabahador ng pelikulang Pilipino o showbiz, ‘yong maliliit na manggagawa natin dito,” ani Alfred.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil marami ang nag-aakala na tanging ang mga kilala at malalaking aktor at aktres lang ang makikinabang sa nasabing panukalang batas na nag-ugat sa pagkamatay ni Garcia noong nakaraang taon nang maaksidente ito sa shooting ng isang teleserye ng GMA-7 sa Tondo, Manila.
“Ako, I’m concerned. ‘Yong mga sikat na artista, mga big time stars, siguro, they are okay pero they will also benefit from this [bill]. But I’m more concerned for the extras, for the utility people, for the contractual, kasi we don’t have job security at all. Kami, we are only good as our last project or our last call time and pack up,” ayon pa sa solon.
Dahil dito, isasama aniya ang mga ordinaryong manggagawa at walang pangalan sa showbiz industry sa mga mabebenepisyuhan sa nasabing panukala upang sakaling mayroon sa kanilang maaksidente ay mayroon silang maasasahang tulong.
Inamin ng mambabatas na kapag naging batas ang nasabing panukala kung saan kabilang siya sa mga may may-akda ay dagdag na gastos ito sa mga producer. Subalit kailangan aniya itong gawin upang magkaroon ng proteksyon ang lahat ng mga manggagawa sa showbiz industry at magpatupad ng mahigpit na pag-iingat para sa kanila. BERNARD TAGUINOD
189