PALAISIPAN sa mga awtoridad kung itinulak o sadyang nagpatihulog ang isang 36-anyos na babae makaraan umanong mahulog mula sa ika-6 na palapag ng gusali kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.
Kinilala ang biktimang si Maricel Arellano y Leynes, cashier, residente ng Rm. 606 Josefa Building, Padre Rada St.,Tondo.
Base sa ulat nina Det. Donald Panaligan at Det. Dennis Suba ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 8:35 ng umaga nang mangyari ang insidente mula sa ika-6 na palapag hanggang sa ika-2 palapag ng gusali.
Nauna rito, nakipagtalo umano ang biktima sa kinakasamang si Jose Dandreb Miano, 36-anyos, vendor at residente ng #1104 Soriano St., Tondo.
Pagkaraan ay nagkaroon umano ng kalabugan sa loob ng kuwarto at ilang saglit ay lumabas ng silid si Miano at naiwan ang biktima.
Matapos ito ay nakarinig umano ng malakas na kalabog at nakitang duguan ang biktima sa ikalawang palapag.
Mabilis na isinugod sa Mary Johnston Hospital ang biktima ngunit idineklarang patay na dakong alas-10:37 ng umaga. (RENE CRISOSTOMO)
216
