HINDI na nailigtas sa pinagdalhang pagamutan ang isang 12-anyos na lalaki habang malubha ang nakababatang kapatid nito makaraang mabundol ang kanilang bisekleta ng isang armoured van sa Tondo, Manila iniulat ng pulisya nitong Linggo.
Kinilala ang namatay na biktimang si C-jay Calderon, ng 1915 Capulong St., Tondo habang sugatan naman ang kapatid nitong si Jay-C, 5-anyos.
Samantala, nahaharap sa kasong reckless irudence resulting in homicide at damage to property with physical injuries ang driver na si Simplicio Calma Jr., y Dela Cruz, may asawa, ng #393 Balut, Tondo.
Batay sa ulat na nakarating kay P/Lt. Rex Bartolome, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit, Investigation Section, bandang alas-11:40 ng tanghali nang mangyari ang insidente noong Pebrero 6 sa panulukan ng Juan Luna St. at Capulong St. sa Tondo.
Nabatid sa report ng pulisya, angkas ng biktima ang kanyang kapatid lulan ng bisekleta, nang mabundol sila ng armoured van.
Kapwa tumalsik ang dalawa at pareho silang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit binawian ng buhay ang nakatatandang Calderon habang patuloy na inoobserbahan ang 5-anyos na kapatid. (RENE CRISOSTOMO)
271
