VAN BUMALIKTAD, 3 GURO PATAY

ISABELA – Patay ang tatlo katao habang siyam pang mga biktima ang sugatan makaraang bumaliktad ang sinasakyan nilang pampasaherong van, iniulat nitong Sabado ng umaga sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga namatay na sina Roderick Sucliyao, Crisencia Wandag Cayangao at Marcelina Dupagan Sapon, pawang mga guro, habang ang mga sugatan ay kinilalang sina Ralyn Lugao Dao-ayan, James Ballay Abuwak, Fernando Salvador Ducasao, Arian Kathlyn Dulanao, Leonida Abuwak Puctiyao, Hubert Abuwak, Francisca Dangpason Addagan, Nathaniel Dalanao Jr., at ang driver na si Jay-ar Ducasao.

Batay sa report ng Kalinga Police Station, nangyari ang insidente noong Biyernes ng gabi sa Sitio Lonnog, Brgy. Mabaca, Tanudan, Kalinga.

Lumabas sa imbestigasyon, binabagtas ng van ang pakurbadang daan nang mawalan ng kontrol sa manibela si Jay-ar dahilan para bumangga sa kongkretong barikada at bumaliktad ang nasabing sasakyan.

Dumanas nang matinding pinsala sa ulo at katawan ang tatlong guro na naging dahilan ng kanilang agarang kamatayan habang dinala naman sa Kalinga Provincial Hospital at Almora General Hospital ang mga biktima.

Napag-alaman, patungo ang grupo ng mga biktima sa Bulanao, Tabuk City para dumalo sa Bodong Festival kasabay ng founding anniversary ng Kalinga.

Nagpapatuloy ng imbestigasyon ang pulisya sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)

168

Related posts

Leave a Comment