LANAO DEL NORTE – Natupok ang 2-anyos na batang lalaki makaraang sunugin ng kinakasama ng kanyang ina dahil sa nawawalang pera, iniulat nitong Lunes ng umaga sa lalawigang ito.
Kinilala ang biktimang si Romnick Balde, 2-anyos, residente ng Purok 7, Segapod, Maigo, Lanao del Norte habang kinilala naman ang suspek na si Florencio Curay.
Batay sa report ng Maigo Municipal Police Station, Linggo ng gabi nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon, sinugod ng suspek ang kalaguyo nito na ina ng biktima na si Janet Balde, sa isang videoke bar at kinompronta hinggil sa nawawala nitong P12,000 halaga ng pera.
Hindi pa man nakasagot si Janet ay binugbog na siya ni Curay at kinaladkad palabas ng videoke kasama ang anak nito.
Mabilis naman nakatakas si Janet at nagpasaklolo sa kapitbahay ngunit naiwan ang kanyang anak na siyang napagbalingan ng galit ng suspek.
Walang atubiling dinampot ng suspek ang bata saka itinali at isinama sa mga tuyong dahon saka siniliban.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ay naabutan nilang tupok na ang biktima habang agad nadakip ang suspek.
Sinampahan ang suspek ng kasong arson at murder in relation to Republic Act 7610 o child abuse. ang suspek. (ANNIE PINEDA)
