ILOILO – Patay ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) makaraang makasagupa ang armadong mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa bayan ng Janiauy sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang biktima na si P/Capt. Efren Espanto Jr., team leader ng PNP 6th Reconnaissance Company ng Regional Mobile Force Battalion sa naturang lugar.
Sa ulat ni P/Capt. Dadje Delima, hepe ng Janiauy Municipal Police Station, nangyari ang insidente pasado alas-6:00 ng gabi sa Barangay Aglobong ng nasabing bayan.
Napag-alaman, naka-engkwentro ng grupo ni Espanto ang hindi pa batid na bilang ng mga rebelde mula sa Central Front Committee ng NPA.
Nabatid na umabot ng halos 30 minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig at nasapol sa kanyang mata si Espanto na nagresulta sa pagkamatay ng nasabing opisyal.
Nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya laban sa tumakas na mga rebelde. (NICK ECHEVARRIA)
