BICOL – Patay ang dalawang drug pusher matapos na manlaban umano sa aarestong mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa dalawang bayan sa Bicol region, nitong Miyerkoles.
Kinilala ang napatay na mga suspek na sina John Alfred Lleno, 33, residente ng Buhi, Camarines Sur, at Alvin Dichoso, residente ng Barangay Sampaloc, Sorsogon City.
Sa ulat na ipinadala ng Police Regional Office (PRO) 5, isinagawa ang buy-bust operasyon laban kay Lleno dakong alas-2:10 ng hapon sa Barangay Delos Angeles, Buhi, Camarines Sur.
Natunugan umano ng suspek na si Lleno na pulis ang kanyang katransaksyon kaya bumunot ito ng kanyang kalibre .38 baril ngunit naunahan siya ng mga pulis sa pagputok dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Nakuha sa napatay na suspek ang isang kalibre .38 baril at 12 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P12,000.
Samantala, dakong alas-9:30 ng gabi nang mapatay si Dichoso matapos manlaban sa pangalawang buy-bust operation sa Barangay Sampaloc, Sorsogon City.
Nakuha sa suspek ang P1,000 buy-bust money, dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu at hindi pa batid na kalibre ng baril. (NICK ECHEVARRIA)
