CAMARINES Norte – Patay ang driver habang sugatan ang dalawang angkas makaraang bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang kalabaw sa bayan ng Daet sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang biktimang namatay na si Raymond Niegas, 27, may asawa, driver ng motorsiklo, habang sugatan ang dalawaang angkas na Ryan Torcelino, 33, at isang 14-anyos na binatilyo, pawang mga residente ng Barangay San Roque, Mercedes ng nabatid na lalawigan.
Ayon sa Daet PNP, nangyari ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa kahabaan ng Mercedes Road, Purok Ubas, Barangay Gubat ng nasabing bayan.
Binabagtas umano ng mga biktima na lulan ng isang motorsiklo na may plakang 5053 EG, ang nasabing kalsada pauwi sa kanilang bahay nang hindi nila napansin ang kalabaw na nasa gitna ng kalsada.
Sa bilis ng takbo ng motorsiklo, hindi naiwasan ng driver ang kalabaw at sumalpok dito naging dahilan upang tumilapon sila ng ilang metro.
Mabilis namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Niegas dahil sa grabeng pinsala sa katawan.
Inaalam ng pulisya kung sino ang may ari ng nasabing kalabaw na posibleng sampahan ng kaso sa insidente. (NICK ECHEVARRIA)
