PALPAK ANG SERBISYO, SOBRANG TAAS NAMAN ANG PRESYO REKLAMO VS PRIME WATER BUMAHA

KALIWA’T KANANG batikos ang inani ng Prime Water Infrastructure Corporation mula sa mga kostumer nito dahil sa umano’y palpak na serbisyo at sobrang taas ng singil ng kumpanya.

Ayon kay dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, nakalulungkot na profit ang siyang pangunahing interes sa pag-takeover  ng Prime Water na pag-aari ng bilyonaryong mag-asawang Sen. Cynthia at Manny Villar, sa mga water district at hindi para umigi ang serbisyo at magkaroon ng maayos na supply ng tubig.

Ani Casilao, habang panay papuri si Pangulong Rodrigo Duterte sa Prime Water dahil sa kaalyadong si Villar, ang katotohanan, ang mga residente ng Marilao, Bulacan; Tayabas, Quezon; Bacolod City, Negros Occidental at  Zamboanga City ay iniaangal  ang mataas na singil at water interruptions ng Prime Water.

Inihalimbawa ni Casilao ang kaso sa Zamboanga kung saan nagrasyon ang Zamboanga City Water District ng tubig sa mga consumer dahil ang tubig na sinusuplay ng Prime Water ay 28.8 million liters a day (MLD) lamang habang sa contractual commitment ay 50 MLD dapat.

Sa San Pablo sa Laguna ay inirereklamo ang napakataas na singil na umabot sa P1,200 mula sa dating P400 lamang kada buwan.

Sa Quezon; Lemery, Batangas; Los Baños at San Pablo sa Laguna;  Batangas City at Rosario sa Batangas at Daraga, Albay ay idinadaing ang mass layoff dahil sa pag-take over ng operasyon ng Prime Water.

Samantala, idinaan naman sa social media ng mga customer ng Prime Water ang kanilang reklamo laban sa water firm ng mga Villar.
Sa Facebook post ni Reigne Salameda ng Bagasbad Road, Daet, Camarines Norte, sinabi niya na gabi lang dumarating ang tubig sa kanila, pagkatapos ay madaling  araw pa lang ay wala na.

“Parang graveyard ang schedule ng tubig.

Pero kung maningil ang aga,” daing pa niya.

Inireklamo naman ni Jocelyn Palarca Cunanan ng Gapan, Nueva Ecija ang umano’y pangit na serbisyo ng Prime Water, bukod pa sa mahina ang  tulo ng tubig.

“‘Di magamit sa pagluluto at paghuhugas ang tubig parang pinaghugasan ng bigas,” ang daing naman ni Antonnieta Vidal ang Brgy. Maimpis, San Fernando, Pampanga.

Iniaangal naman ni Citadel Bundalian ang kalidad ng tubig na nagmumula sa Prime Water.
“Bakit po marumi ang tubig, parang may kalawang,” pagtatanong niya.
Matagal na rin umanong kalbaryo ng mga taga-Ilocos Norte ang hindi magandang serbisyo ng Prime Water na may 12% VAT pa.

“Grabeng pahirap sa mga tao. Laging walang tubig pero ang laki ng bill,” dagdag ni Jocelyn Clacio ng Cavite. SAKSI NEWS TEAM

383

Related posts

Leave a Comment