LEGAZPI, Albay – Inangkin ni Tarlac Central Luzon team captain Ryan Tugawin ang panalo sa 154.5 kilometrong Stage 2 ng Ronda habang napanatili ni Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop Army ang kapit bilang overall leader.
Ito ang kaganapan sa 10-leg 2020 LBC Ronda Pilipinas na nagsimula sa Sorsogon.
Nagawang makalusot ng 30-anyos mula Solano, Nueva Viscaya na si Tugawin mula sa malaking pulutong ng mga siklista na halos sabay-sabay na tinawid ang finish line.
“Medyo nakalusot mula sa likod. Nakatutok lang po ako. Si George po umatake na. Hinabol ko lang. Maluwag sa gilid kaya doon ako lumusot,” sabi ng magsasaka na nakasama sa pag-atake ng Team 711 Peloton kaya dumikit sa huling 5km sa lead group.
“Malalakas po talaga ang ibang team,” sabi pa ni Tugawin, huminto sa cycling dahil walang pangsustento at ngayon ay tinutulungan ng lokal na pamahalaan ng Tarlac City. “Mahalaga po ito para makilala po ako at ang buong probinsiya namin sa sports na cycling.”
Segundo lamang ang naging kalamangan ni Tugawin sa itinalang kabuuang 3:50.37 oras kung saan kaparehas nito ang tiyempo ng iba pang 40 riders na kinabibilangan ng Top 10 na sina Ismael Grospe Jr (Go for Gold), George Ocone (PNSI), Dominic Perez (BSA), Ronnilan Quita (Go for Gold), Arjay Kaul (Bike Extreme), Jerry Aquino Jr (Scratch It), Anthony Del Rosario (TCL), Rom Francoise Tuazon (South Luzon Batangas) at Rustom Lim (7-11).
Napanatili naman ni Mark Julius Bordeos ng Bicycology Shop Army ang red jersey o overall leadership matapos na tumawid bilang ika-17 sa yugto bitbit ang kabuuang 6 oras, 56 minuto at 34 segundo habang nasa ikalawa si Jerry Aquino Jr.
Ikatlo at ikaapat sina Oconer at Lim, ikalima si Mark John Galedo, ikaanim si Aidan James Mendoza, ikapito at ikawalo sina Marcelo Felipe at Mervin Corpuz, ikasiyam si Alvin Benosa, at Ika-10 si Jester Neil Mendoza.
Inagaw naman ni Arjay Peralta ng Team Nueva Ecija ang simbolikong green jersey para sa Sprint King matapos na ma-penalty ng isang puntos ang two-time champion na si John Paul Morales sa pagbalya ng kanyang bisekleta sa imaginary line sa labanan para sa puntusan. Nahulog si Morales sa ikalawang puwesto habang nasa ikatlo si Mendoza.
Tabla naman sa labanan para sa King of the Mountain sina Mark John Galedo at John Mark Camingao na may tig-4 na puntos habang nasa ikatlo si Morales sa bitbit na 2 puntos.
Inagaw din ng 7-Eleven Cliqq Air21 ang pagkapit sa liderato sa Team Classification sa pagtatala ng kabuuang 27:47:23 oras habang nahulog ang nagtatanggol na kampeon na Standard Insurance-Navy sa ikalawang puwesto, at ikatlo ang Bicycology Shop Army. (ANN ENCARNACION)
257 