P22-B MAKOKOLEKTA SA OLIGARCH- DEFENSOR

MAKOKOLEKTA ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) ang halos P23 Billion mula sa apat na kumpanya na matagal nang may pagkakautang sa pamahalaan.

Nabatid na magbabayad na ang malalaking kumpanya kasunod na rin ng pangangalampag sa mga ito ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Rep. Mike Defensor ng Anakalusugan party-list.

Nangako umano ang mga kinatawan ng Northern Renewable Generation Corporation na may P4.9 Billion atraso; FDC Misamis Power Corporation, P2.6 Billion; FDC Utilities, Inc., P1.1 Billion at Good Friends Hydro Resources Corporation, P1.2 Billion na magbabayad na.

“Nangako sila na magbabayad na,” ani Defensor at malaking tulong aniya ang halagang ito sa kaban ng bayan subalit kailangang ituloy ang  pagdinig dahil mas malaki pa ang dapat kolektahin.

UTANG NG ABS-CBN OWNER

Mahigit tatlong daang (300) milyong piso naman ang atraso umano ng pamilya Lopez sa PSALM na nais ding pabayaran ni Defensor.

Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, iginiit ng mambabatas na ipatawag sa susunod na pagdinig ang kumpanya ng mga Lopez.

“Kasi itong First Gen Hydro Corporation, may utang din ito na P315 Million eh,” ani Defensor na ang tinutukoy ay ang isa sa mga kumpanya ng mga Lopez na siyang may-ari ng ABS-CBN.

Hindi masagot ni PSALM president Atty. Irene Garcia kung may plano ang mga Lopez na magbayad subalit inamin nito na kasalukuyang nagkakaroon na umano ng pag-uusap ukol dito.

“In the next hearing, maybe we can ask First Gen to be with us also, including the Solgen (Solicitor General) para ma-point na natin ito. Baka makaapekto pa ito sa kanilang franchise,” ani Defensor. BERNARD TAGUINOD

345

Related posts

Leave a Comment