NANGANGAMBA ang mga mambabatas sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso na ang susunod na bibiktimahin ng mga Chinese criminal sa Pilipinas ay mga Filipino na mismo.
Ito ang dahilan kaya umapela si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap sa mga otoridad na paigtingin ang kampanya laban sa Chinese criminals upang maibalik ang mga ito sa China sa lalong madaling panahon.
βKailangang maibalik agad sa China dahil kung mananatili ang mga iyan sa Pilipinas baka hindi lang ang kanilang kababayan ang bibiktimahin nila kundi mga Filipino na,β ani Yap.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil patuloy pa rin ang kidnapping activities ng mga Chinese criminal sa kanilang mga kababayan na ipinatutubos sa mga kaanak ng mga ito na nasa China.
Noong 2019, higit 10 kidnapping activities ang kinasasangkutan ng mga Chinese national subalit wala umanong nangyari sa kaso dahil umuwi na sa China ang mga biktima.
Ikinabahala rin ng mambabatas ang pagkakasangkot ng tatlong Chinese nationals sa holdapan sa Makati City kung saan pinatay pa nila ang biktima.
Ganito rin ang agam-agam ni Senador Win Gatchalian kung magpapatuloy pa ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGOs) sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, apat na taon simula nang pumasok sa Pilipinas ang POGO industry ay kabaligtaran ang dulot nito dahil mula sa sinasabing malaking kita ay nagdudulot aniya ito ng ibaβt ibang krimen.
βMino-monitor ko itong sitwasyon na ito at nakita natin ang paglago nitong POGO sa ating bansa. Noong taong 2016, nang pumasok ang POGO, maraming natuwa dahil tingin natin dito ay investment at namumuhunan sa ating bansa. Ang unang tingin natin dito ay papasok ang mga trabaho at lalago ang ating ekonomiya. Tapos nang almost four years na, parang kabaliktaran ang nangyari. Pagpasok ng POGO rito, dumami naman ang mga krimen dito sa ating bansa,β sabi pa ng senador.
Bagamaβt kapwa Chinese nationals ang dinudukot at mga babaeng Chinese din ang sangkot sa prostitusyon ay hindi umano ito dapat ipagwalang-bahala ng mga awtoridad dahil hindi malayong maging ang mga Pinay ay maging biktima.
βNakakatakot kahit sila-sila rin lang. Ang kinatatakutan ko, ang mga krimen na naririnig natin ay baka tumawid ito at ang maging biktima ay mga kababayan din natin,β giit ni Gatchalian.
Nagsalita na rin aniya ang Chinese government na bawal ang POGO subalit nakapagtatakang sa Pilipinas ay bukas-palad itong tinanggap ng pamahalaan. BERNARD TAGUINOD, NOEL ABUEL
164 