PADRINO HUHUBARAN NG MASKARA SA SENADO MILYONES PINALULUSOT NG CHINESE

BUBUSISIIN na ng Senado ang kwestyonable umanong pagpasok ng milyon-milyong halaga ng salapi ng ilang Chinese tourist sa Pilipinas.

Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na magpapatawag sila ng pagdinig hinggil sa isyu sa susunod na linggo upang liwanagin sa mga awtoridad ang mga transakyong ito ng mga dayuhang Tsino.
May kinalaman ito sa nakalap na impormasyon ni Gordon na may ilang Chinese tourist ang nakapasok sa bansa bitbit ang $160 million cash mula December 2019 hanggang Pebrero ngayong taon.

Naniniwala si Gordon na hindi makalulusot ang pagpapasok ng malaking halaga ng salapi sa bansa kung walang kasabwat na mga awtoridad.

“Hindi mangyayari ‘yan kung walang kakutsaba ‘yan. Paano pinalusot ang ganyan kalaking pera,” diin ni Gordon.
Target ni Gordon na ipatawag sa pagdinig ang mga opisyal ng Anti-Money Laundering Council, Bangko Sentral ng Pilipinas, Bureau of Customs, Department of Finance at iba pang ahensyang may kinalaman dito.

Nauna nang iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagbuo ng isang inter-agency task force na kinabibilangan ng PNP, NBI at BI, kasama ang  National Prosecution Service para sa mas mabilis na pag-iimbestiga, pagtugis at prosekusyon ng kaso ng mga sindikatong Chinese na sangkot sa iba’t ibang krimen ngayon sa bansa.

Hinimok din ni Gatchalian ang PNP na mas paigtingin pa ang police visibility sa Metro Manila, kasama na ang pagsasagawa ng checkpoint at police patrol. Ito’y sa gitna na rin ng patuloy na tumataas ng bilang ng krimen na ang biktima ay kadalasang mga nagtatrabaho sa POGO.

Karamihan sa operasyon ng POGO sa bansa ay matatagpuan sa Makati Central Business District, Bonifacio Global City  at Bay Area sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque.

Kinalampag din ni Gatchalian ang atensyon ng BI na mas paigtingin ang immigration monitoring at border security upang pigilan ang pagpasok ng mga illegal foreign trafficker. Sinabi ng senador na dapat laging may close coordination ang border officers sa kawani ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy, at PNP Maritime Group. DANG GARCIA, ESTONG REYES

228

Related posts

Leave a Comment