KUNG nababahala ang mga Filipino sa biglaang pagdami ng mga Chinese sa Pilipinas dahil sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO), mas dadami pa ang mga ito dahil sa Retail Trade Liberalization law.
Ito ang babala ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaugnay ng House Bill (HB) No. 59 na nakasalang na sa debate sa plenaryo ng mababang kapulunga ng Kongreso.
“Dadagsa dito sa atin ang mga Foriegners para maging retailers,” ani Brosas na nagsabi pa na ito ay bunga ng pagiging agresibo ang mga Chinese sa retail industry.
“Tiyak na dadagsa na ang mga Chinese sa Pilipinas para magbenta ng kung anu-ano mula sa kanilang bansa,” pahayag pa ni Brosas.
Sa ilalim ng nasabing panukala, magiging $200,000 na lamang ang capital requirement sa mga dayuhan na nais magnegosyo sa Pilipinas mula sa kasalukuyang $2.5 Milluon.
Dahil dito, nangangamba si Brosas na dadagsain na ng mga dayuhan lalo na ang mga Chinese ang Pilipinas para rito na magnegosyo kaya inaasahan na mas dadami pa ang mga ito.
Maliban dito, magiging katapusan na rin umano ng Small Medium Enterprises (SMEs) ang nasabing panukala dahil siguradong hindi aniya makakasabay ang mga ordinaryong negosyanteng Filipino sa mga dayuhang ito.
Ito ay dahil maaaring ibenta ng mga dayuhang ito sa Pilipinas ang mga produktong galing sa kanilang bansa at hindi ang local products na siguradong ibebenta nila ng mas murang halaga.
“Pangunahing maapektuhan iyong mga small local retailers at mga manggagawa nila at hindi iyong malalaking malls. Naakamba rito ang malawakang tanggalan at pagkalugi ng mga negosyo sa pampublikong pamilihan at maliliit na negosyo,” dagdag pa ni Brosas. BERNARD TAGUINOD
452
