GMRC IBABALIK BILANG ASIGNATURA – SOLON; MAGULANG KASAMA SA PAGTUTURO

HINDI lang mga kabataang estudyante ang dapat na matuto sa Good Moral and Right Conduct (GMRC) at Values Education Act kundi ang mga magulang.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, base sa niratipikahan ng Kamara at Senado, makakatulong ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang at maging ang komunidad sa pagtuturo sa GMRC at Values Education.

“Hindi rin natin iiwanan ang responsibilidad sa magulang at tahanan. Kasama sa batas na gagawa ang Department of Education na maging partner ang magulang at komunidad sa pagtututo ng GMRC at values education. Hindi natin pwedeng iwan rin lang ito sa ating mga guro at eskwelahan, kasama po ang komunidad at mga magulang,” sabi ni Gatchalian.

Iginiit nito na kumilos ang mga mambabatas na ibalik ang GMRC bunsod ng paglabnaw nito at ito ay naihalo sa ibang subjects sa eskuwelahan at hindi ito nabibigyan ng gaanong importansya sa pagtuturo.

“Ngayon kasi, sa dami ng impluwensyang natatanggap ng isang bata, lalo na sa social media, nakakaapekto ito sa asal at pag-uugali ng ating mga kabataan. Minabuti ng ating mga mambabatas na ibalik ito at gawing core subject sa ating basic education, sa elementary at high school,” aniya pa.

Sinasabing ngayong darating na pasukan ay mag-uumpisa nang isama sa curriculum ang GMRC sa mga kindergarten hanggang Grade 6, good manners and right conduct.

Habang mula sa Grades 7 hanggang Grade 10, ay palalawigin ito sa values education at pagdating naman sa Grades 11 and 12, ito naman ay ihahalo sa ibang subjects dahil ang bata ay may sapat nang kaisipan.

“Importante ring matuto ang ating mga kabataan ang tinatawag nating values kung paano maging mabuting mamamayan, kung paano mahalin ang ating bansa at yung iba’t iba pang values gaya ng pagmamahal, respeto sa kapwa at nasyonalismo,” dagdag ng senador.  NOEL ABUEL

 

 

674

Related posts

Leave a Comment