Moratorium hirit ng senador ngayong may COVID crisis LATE PAYMENTS ‘WAG PAGMULTAHIN

UMAPELA ang isang senador sa mga korporasyon, bangko, at pribado at pampublikong institusyong pinansyal na magpatupad ng moratorium sa pagpapataw ng multa at kahalintulad na parusa sa mahuhuling magbayad ng bills at iba pang obligasyon.

Ang panawagan ay ginawa ni Senador Grace Poe sa gitna ng kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa dahil sa COVID-19.

“Hinihingi natin ang pang-unawa at kabutihang-loob ng mga kumpanya na tiyaking walang pagkaantala ng serbisyo, pagpuputol, o pagmumulta dahil sa hindi ninais na pagkakahuli ng bayad,” aniya.

Kahit aniya ang mga may kakayahang magbayad, walang may gustong pumila nang pagkahaba-haba sa mga bangko at payment centers para umabot sa taning ng pagbabayad ng bayarin.

Taliwas ito sa pagsisikap na magpatupad ng social distancing at panatilihin ang ating mga mamamayan sa kanilang tahanan para iwasang malantad sa karamdaman.

Ganito rin ang panawagan ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso sa lahat ng financial institution kasama na ang mga public utility companies tulad ng tubig at kuryente.

Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran, tiyak na walang kita ang mga tao sa loob ng isang buwang community quarantine at kung mayroon man ay kailangan nila ito para sa kanilang personal na pangangailangan tulad ng pagkain.

“Time-out lang muna sa pagbabayad ng utang. Pero hindi naman ibig sabihin nito ay hindi na babayaran ang kanilang pagkakautang. We must consider that even though people may have money, they might be apprehensive about going out to take care of these payments. Also, they might need their money for more essential items at this time,” ani Taduran.

Kasama aniya sa dapat ipagpaliban ay ang pagbabayad ng buwis sa Abril 15 at bigyan ng pagkakataon ang mga taxpayer na maka-recover bago sila singilin. NOEL ABUEL, BERNARD TAGUINOD

168

Related posts

Leave a Comment