9 KOLUROM NA HABAL-HABAL HINULI SA QC

ARESTADO ang siyam na driver ng kolorum na habal-habal sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) District Traffic Enforcement Unit (DTEU) at District Special Operation Unit noong Miyerkoles sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director P/Brig. General Ronnie Montejo ang mga inaresto na sina Cmar Eman, John David, Angelyn Castro, Marcelino Manata, Aries Traquina, Jeffrey Mica, Antonio Lagada, Hernan Reyes at Bryan Tindagan.

Ayon kay P/Lt. Ronquillo Maaño ng DTEU, isinagawa ang operasyon makaraang may makarating na impormasyon sa kanilang tanggapan na may mga motorsiklong ginagawang habal-habal kahit wala itong kaukulang papeles.

Nabatid na ang biyahe ng mga ito ay mula Litex patungo ng lalawigan ng Rizal.

Lumalabas na napakalaki ng sinisingil na pamasahe ng mga nangongolorom na mga motorsiklo sa kanilang pasahero na umaabot sa P500 hanggang P700.

Kasalukuyang ipinatutupad ng gobyerno ang enhanced community quarantine kaya suspendido ang public transport.

Bukod sa mga kolorum, marami rin ang hinuli dahil walang suot na helmet.

Ang inarestong mga kolorum ay dinala sa opisina ng DSOU para isailalim sa imbestigasyon. (TJ DELOS REYES)

322

Related posts

Leave a Comment