PATAY ang isang 28-anyos na merchandizer habang malubhang nasugatan ang kainumang binatiyo makaraang pagbabarilin sa loob ng frat house kahapon ng madaling araw sa Binondo, Manila.
Namatay noon din ang biktimang si James Carl Suico, binata, ng 327 Area C, Gate 54, Parola Compound sakop ng Binondo, habang malubha naman sa tama ng bala ang 16-anyos na binatiyo na hindi pinangalanan, ng Recuerdo St., Binondo, kapwa umano miyembro ng frat group na Tau Gamma Phi.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Binondo Police Station 11, bandang ala-1:15 ng madaling araw nang mangyari ang pamamaril sa loob ng frat house ng Tau Gamma Phi Binondo Community Chapter, sa Area C, Gate 54, Parola Compound, Binondo.
Base sa salaysay ng isang Eduardo Regalado, isa sa mga saksi sa pamamaril, masaya umanong nag-iinuman sa loob ng naturang frat house ang mga biktima at lima pa nilang kasamahan nang biglang may kumatok sa pinto.
Binuksan umano ng binatilyo ang pinto ngunit pagkabukas ay agad siyang binaril ng suspek sa mukha, gamit ang hindi pa batid na kalibre ng baril.
Kaagad din nitong pinaulanan ng bala ang nag-iinuman niyang mga kasamahan na kaagad na ikinamatay ni Suico.
Hindi nakilala ng mga testigo ang suspek dahil sa suot na facemask, hoodie at bull cap.
Isinugod ang binatilyo sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ngunit kalaunan ay inilipat sa Ospital ng Maynila.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad para makilala at madakip ang suspek at matukoy ang motibo sa likod ng krimen. (RENE CRISOSTOMO)
212 