QUEZON – Arestado ang tatlong pulis ng mga kapwa nila parak dahil sa pangongotong sa kanilang nahuling mga suspek sa kasong ilegal na droga sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Police Staff Sergeants Alvin Dimaranan at Samuel Merlosa, at Patrolman John Faulmini, mga nakatalaga sa Drug Enforcement Unit ng Candelaria Police.
Arestado rin ang tatlong sibilyan na sina Nelson Ravelo, Jessica Alcantara at Reggie De CHavez na pinaniniwalang asset ng mga pulis.
Batay sa report ng Quezon PNP, isinagawa ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) at 82 SAC-SAF at mga elemento ng RSOG PRO4A ang entrapment operation laban sa isa sa mga suspek, sa isang ATM booth at naaresto ang isa sa mga asset habang nagwi-withdraw ng pera sa account ng isa sa mga complainant.
Matapos maaresto, itinuro nito ang isang safehouse sa Barangay Masin kung saan dinadala at itinatago ang mga nahuhuli sa ilegal na droga,
Nagkaroon ng maiksing palitan ng putok sa pagitan ng raiding team at ng mga suspek na kalaunan ay sumuko.
Nakatakbo naman ang dalawa pang pulis umano na kasama rin ng mga suspek,
Nakumpiska sa mga ito ang ilang sachet ng shabu at mga baril at bala.
Nasagip din ang complainant na hawak ng mga suspek.
Dakong umaga naman nitong Biyernes, sumuko kay Quezon Police Provincial Director Police Colonel Audie Madrideo, ang dalawang pulis na sina P/SSgt, Joseph Francis Benedict at P/SSgt. Rexter Cantos na kinilalang sangkot din sa extortion.
Hawak na ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group ang mga suspek na sasampahan ng kasong robbery extortion at serious illegal detention. (NILOU DEL CARMEN)
