POSITIBO na rin si Congressman Henry Villarica ng Ika-Apat ng Distrito ng Bulacan, sa coronavirus (Covid-19) disease, ayon sa lumabas na resulta mula sa Department of Health-Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM) noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa Meycauayan City Information Office, si Villarica ay dinala sa Makati Medical Center noong Marso 18 at nananatili pa rin sa nasabing ospital ngunit maayos naman ang kondisyon.
Bagama’t walang nakikitang sintomas ng sakit sa asawa nitong si Meycauayan City Mayor Linabelle Villarica, sumailalim na rin ito sa self-quarantine dahil sa close contact sa kanyang mister.
Hindi malinaw, ayon sa pamilya ni Villarica, kung saan nito nakuha ang nakamamatay na virus.
Samantala, tatlo na ang kumpirmadong namatay sanhi ng COVID-19 sa Bulacan habang pumalo naman sa 11 ang kaso ng naturang infectious disease sa nabanggit na probinsiya.
Ayon kay Patricia Alvaro, health education and promotion officer ng Provincial Health Office (PHO) ng Bulacan, ang latest fatality ay isang 60-anyos na babae mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte.
Ang unang dalawang namatay ay ang mag-ama sa bayan ng San Ildefonso.
Base sa talaan ng Bulacan PHO, tatlo ang kaso ng COVID-19 sa San Jose Del Monte City, dalawa sa Malolos City, dalawa sa San Ildefonso, tig-isa naman sa Guiguinto, Bulakan, Baliwag, at Pandi.
Samantala, 657 naman na “cleared” na bilang PUI at PUM sa COVID-19, ang nakauwi na sa kani-kanilang tahanan habang mayroon pang 1,677 PUI/PUM hanggang kahapon ng umaga. (ELOISA SILVERIO)
