SARANGANI – Niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang lalawigang ito at naramdaman sa ilang lugar sa Mindanao noong Huwebes ng gabi.Nabatid mula sa Philippine Institute of Volcanology and
Seismology (Phivolcs), dakong alas-11:38 ng gabi nang mangyari ang pagyanig na natunton sa layong 46 kilometro ng bayan ng Maasim sa Sarangani.
Ayon sa Phivolcs, naramdaman ang Intensity V sa mga bayan ng Maasim, Glan, at Malapatan sa Sarangani; Tupi, South Cotabato; General Santos City; at Palimbang, Sultan Kudarat.
Ramdam din ang Intensity IV sa Jose Abad Santos, Malita, at Sarangani sa Davao Occidental; at Koronadal City, habang Intensity III sa Davao City; mga bayan ng Maco at Mawab sa Davao de Oro.
Batay naman sa instrumento ng Phivolcs, naitala ang Intensity VI sa General Santos City; Intensity V sa Alabel at Malungon, Sarangani; Intensity IV sa Koronadal City at Intensity I sa Gingoog City, Misamis Oriental.
Nakapagtala rin ang Phivolcs ng ilang aftershocks habang patuloy pang inaalam ang lawak ng pinsalang idinulot ng lindol. (JG TUMBADO)
