MAAARING makulong o magmulta ng hanggang isang milyong piso ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan o barangay na mapatutunayang hinahaluan ng pamumulitika ang pamamahagi ng ayuda ngayong nahaharap sa krisis ang bansa dulot ng COVID-19.
Ito ang babala ng Department of Interior and Local Government (DILG) kasunod ng mga reklamo laban sa pamumulitika umano ng ilang LGUs.
“We have received reports that some barangays are selective in their distribution of relief goods, requiring the presentation of voter’s IDs or prioritizing their friends and relatives. Wala pong pulitika sa panahon ng sakuna.
Matagal pa ang eleksyon. Serbisyo muna,” paalala ni DILG Secretary Eduardo M. Año.
Sinabi pa ni Ano na sa pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na RA 11469 o “Bayanihan to Heal As One Act”, may katapat na parusa sa mga hindi susunod sa national government policies o direktiba ngayong panahon ng national emergency.
Sa Section 6 ng RA 11469, nakasaad ang parusang pagkakakulong ng dalawang buwan (2) o multa na hindi lalagpas ng isang milyong piso (P1M) o parehas depende sa nilabag na batas.
Kasabay nito, sinabi ni Ano na nag-organisa sila ng monitoring team sa lahat ng rehiyon sa bansa na magmo-monitor at mag-iimbestiga sa mga LGU official kasama na ang mga nasa barangay.
Hinikayat din ng kalihim ang mga may reklamo sa kanilang LGU na i-report ito sa DILG Emergency Operations Center hotlines 02-8876-3454 local 8806/8810 or 02-8925-0343. JOEL O. AMONGO
