INILUNSAD ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang Telemedicine, isang programa na pwedeng sumangguni ang mga residente sa mga doktor at medical workers hinggil sa kanilang pangangailangang medikal nang hindi na kailangang magtungo sa ospital o health center.
Layunin nito na agad maibigay ang mga pangangailangan at pangangalaga sa mga taga Taguig at maprotektahan ang frontliners gamit ang teknolohiya habang nilalabanan ang COVID-19.
Sa kabila ng 31 health centers at 3 Super Health Centers na patuloy na bukas para magbigay tulong, ang mga
residente ng Taguig ay maaari nang humingi ng medical assistance kahit pa nasa loob sila ng kanilang tahanan, kung saan pwede pa silang makatanggap ng mga gamot sa pamamagitan ng door-to-door delivery sa panahon ng quarantine.
Kahit na sa text at online lamang ay pwede nang magpakonsulta sa doktor.
Idedeliber naman ng mga health worker sa harapan mismo ng bahay ng residenteng nangangailangan ng gamot pati na rin ang iba pang medical services kagaya ng bakuna.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, ang layunin ng programa ay masiguro na ang mga tao ay tumutupad sa itinakdang home quarantine at para na rin maiwasan ng mga residente na makihalubilo sa maraming tao sa iisang lugar na pagsuway sa social distancing protocols.
Sa programang Telemedicine, sinisiguro rin na ang mga health worker sa syudad ay protektado at ligtas sa pagkalat ng coronavirus.
Upang mapakinabangan ang Telemedicine program, ang residente ay maaaring tumawag sa itinakdang Telemed contact number sa kanilang barangay, kung saan ito ay pinangangasiwaan ng mga tauhan mula sa City Health Office (CHO).
Ang mga taong ito ay nakaantabay mula 8AM hanggang 5PM. Para naman sa emergency cases, ang mga residente ay pwede ring magtungo ng diretso sa Taguig-Pateros District Hospital.
Bukod pa rito, pinangunahan din ng Taguig City nitong Huwebes ang Telemedicine program sa isang barangay kung saan gumagamit ng mga iMac at Android phones. Gamit ang teknolohiya, ang mga taong may sakit o masama ang pakiramdam ay maaaring magpakonsulta gamit ang video call sa cellphone. Ito ay inaasahang ilulunsad sa lahat ng 28 barangays sa susunod na linggo. JESSE KABEL
262
