CAVITE – Dalawa katao pa ang nadagdag sa naitalang mga namatay dahil sa coronavirus disease 2010 (COVID-19) sa lalawigang ito, matapos na maging positibo ang resulta ng pagsusuri.
Kabilang sa dalawang namatay ang isang 64-anyos na misis ng isang dayuhan na dumating sa bansa noong Marso 5, matapos na positibo ang lumabas na resulta sa isinagawang swab testing.
Noong Marso 22 nang pumanaw ang nasabing ginang na residente ng Alfonso, Cavite.
Ayon sa Facebook page ni Alfonso Mayor Randy Salamat, ipinapaalam niya sa lahat ng kanyang mga residente ang lumabas na resulta na nag-positibo sa COVID 19 ang nasabing ginang.
Dumating umano sa kanilang bayan sa Alfonso ang ginang noong Marso 5 mula sa United Kingdom.
Na-admit ang ginang sa ospital noong Marso 21 at agad ding binawian ng buhay kinabukasan, Marso 22.Ayon pa sa nasabing Alkalde, mayroon pa umano silang walong PUI na nagpapakita ng mga sintomas at may travel history sa mga lugar na may positibong kaso ng COVID-19, at may 1,083 PUM na mga residente na nagmula sa ibang lugar.
Samantala, pumanaw na rin ang isa pang nagpositibo sa COVID-19 sa bayan naman ng Naic.
Matatandaan, nagpositibo rin ang mismong alkalde rito na si Mayor Juanio Dualan matapos nitong magpa-swab testing at kasalukuyang naka-self quarantine .
Sa Facebook page ng Naic at ni Mayor Dualan, inilahad dito na pumanaw na ang isa nilang naka-PUI bago pa man lumabas ang resulta na positibo rin ito sa COVID-19. (SIGFRED ADSUARA)
167