HINILING ni Senator Imee Marcos na ituring bilang frontliners tulad ng medical staff ang mga basurero, street sweeper, janitor at iba pang mga manggagawa na katuwang sa paglilinis ng mga komunidad para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Marcos na dapat tiyakin ang suportang pinansyal na matatanggap ng sanitation workers na may malaking ginagampanan at naitutulong sa mga ospital, tanggapan ng pamahalaan, condominium, supermarket at iba pang mga establisyimento para labanan ang nakahahawang sakit.
“Huwag nating kalimutan ang mga basurero, street sweepers at janitor na tumutulong para labanan ang COVID-19.
Buwis-buhay din ang kanilang ginagawang trabaho,” giit ni Marcos.
Sa pagtaya ni Marcos, posibleng tumagal pa ang pinatutupad ng pamahalaan na lockdown sa buong Luzon, kaya inihain niya ang Senate Bill 1414 para masiguro ang proteksyon ng mga frontliner pati na rin ng mga ordinaryong manggagawang mawawalan ng kikitain dahil sa krisis dulot ng COVID-19.
Isinusulong ng nasabing panukalang batas na palawigin ang P200 bilyong emergency budget hanggang P750 bilyong nakalaan sa isang programang tinawag ni Marcos na Pag-ASA: Alaga, Sustento, Angat.
Paliwanag ni Marcos, maisasakatuparan ang layunin ng nasabing programang Pag-ASA gamit ang iba pang nakatagong pondo sa mga ahensya ng gobyerno at mga pautang sa bangko.
Dagdag ni Marcos, dapat din isama at ituring na frontliners ang mga sundalo, pulis, immigration personnel, couriersat cargo handlers ng mga suplay ng pagkain at maging mga drayber ng shuttle service para sa mga staff ng mga ospital. ESTONG REYES
230 