MISTULANG sinasamantala umano ng mga crematorium operator ang krisis na kinakaharap ng sambayanang Filipino sa coronavirus disease 2019 dahil halos dumoble ang kanilang singil sa pagke-cremate ng mga namatay sa nasabing virus.
Ito ang nabatid kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares kaya hiniling nito sa mga local government unit (LGU) na bantayan ang mga crematorium sa kanilang nasasakupang lugar.
“There have been reports that cremation services for the fatalities of COVID virus have inordinately gone up during the crisis,” pahayag ni Colmenares na hindi aniya katanggap-tanggap.
Bago aniya nagkaroon ng COVID-19, P18,000 lang ang singil ng mga negosyante sa crematorium service subalit biglang tumaas aniya ito sa P45,000 hanggang P75,000.
“This kind of exploitation in the midst of crisis must stop. We urge the government to immediately investigate funeral parlors and hospitals on the price of cremation today,” ani Colmenares.
Napipilitan ang mga kaanak ng mga namatay sa COVID-19 na ipa-cremate ang pumanaw nilang mahal sa buhay subalit imbes na makatulong aniya ang mga funeral parlor sa mga ito ay pinagsasamantalahan pa ang mga ito.
Kasabay nito, dapat aniyang sagutin din gobyerno ang pagpapa-cremate sa mga namatay sa COVID-19 upang hindi na mahirapan ang kanilang pamilya, lalo na sa hanay ng mahihirap. BERNARD TAGUINOD
209 