HINDI dapat haluan ng pulitika ang giyera kontra coronavirus disease 2019 o COVID-19 kung nais ng mga politiko na mapagtagumpayan ang labang ito ng buong bansa kasama ang taumbayan.
Ginawa ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang nasabing panawagan matapos makaamoy na may “pulitika” sa pagharang ng Quezon City Hall social service na ipa-cremate ang mga namatay sa COVID-19 sa Lung Center of the
Philippines (LCP) sa isang punerarya na konektado kay Quezon City Rep. Onyx Crisologo, anak ni dating Congressman Vincent “Bingbong” Crisologo.
Tinukoy ni Defensor ang isang Carol Parohinog ng nasabing tanggapan ng Quezon City Hall na nasa likod umano ng pagharang sa LCP na ibigay sa punerarya ang bangkay ng 12 namatay sa COVID-19 sa nasabing pagamutan para i-cremate.
Ang ama ni Crisologo ay nakalaban ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mayoralty race ng lungsod noong nakaraang eleksyon at muntik nang tumalo dito kung hindi lamang inaresto ng mga kawani ng QCPD dahil umano sa sumbong na vote buying na kinastigo naman ng mga oposisyon sa lungsod na political power play lang ni Belmonte.
“We should set aside politics here. It is the health of our people that is at stake. This virus knows no political color,” ani Defensor, chairman ng House committee on health.
Ayon sa mambabatas, walang puwang ang pulitika sa labang ito at dapat aniyang pagtulungan ng lahat, magkakalaban man sa pulitika o hindi, ang problemang ito upang masiguro ang tagumpay.
Kailangan aniyang sumunod ang lahat ng LGUs sa protocol ng Department of Health (DOH) na i-cremate ang mga namatay sa COVID-19 sa loob ng 12-oras, para ma-contain ang virus.
Maliban dito, kailangang ma-cremate ang mga namatay sa COVID-19 upang hindi matambak sa mga ospital tulad ng LCP kung saan 4 lamang ang puwede sa kanilang freezer kaya kumontak na ang mga ito ng punerarya para sa cremation ng 12 bangkay subalit hinaharang umano ito ng Quezon City Hall.
“Cremation is prescribed to prevent the spread of the virus. Why should a city hall officer stop it? They are playing with the health of our people. They are exposing them to danger,” ayon pa sa mambabatas.
“Let us all stick to protocols or our fight against Covid-19 will fail,” panawagan pa ni Defensor. BERNARD TAGUINOD
