PATUNAY lang na wala talagang malasakit ang ilang namumuno sa Quezon City hall sa kanilang mga nasasakupan sa gitna ng dinaranas na krisis dulot ng coronavirus disease 2019 dahil dinaig pa ng isa sa mga ito ang handa sa kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Reaksyon ito ng ilang residente ng lungsod na hindi nagustuhan ang pagbaha ng masasarap na pagkain sa tanggapan ni Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office head Mike Marasigan para sa kaarawan nito kamakailan.
Sa litratong ipinadala sa Saksi Ngayon ng mga dismayadong residente, makikita si Marasigan kasama ang kanyang mga staff na nakapwesto sa kabilang dulo ng mahabang mesa na may mga pagkain at iba’t ibang disenyo ng cake.
Ipinost ang larawan sa Facebook page mismo ni Marasigan nito lamang nakalipas na Abril 8.
Ayon sa ilang residenteng nakausap ng Saksi Ngayon na tumangging magpabanggit ng pangalan, nakuha pang mag-post ni Marasigan sa FB ng engrande niyang handa sa panahon ng matinding health crisis at nagbabadyang malawakang kagutuman.
Tila umano ito nananakam ng mga walang makain at mistula ring walang awa at pakialam sa mga naghihirap na frontliner at mga nawalan ng trabaho sa panahong ito.
Puna pa ng mga residente, nagpakabusog ang mga nasa city hall habang marami pang taga Quezon City ang dumaraing ng kawalan ng makakain tulad na lamang ng mga tsuper na natigil ang biyahe dulot ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.
Pinuna rin nila ang kawalan ng maayos na programa ng pamunuan ni Mayor Joy Belmonte kaya sablay ito sa pagpapatupad ng ECQ sa lungsod.
Nito lamang nakalipas na linggo ay dalawang ulit nakita ang kapalpakan ng QC LGU nang dumagsa ang mga mamimili sa Balintawak Market at ang pagkukumpulan ng mga tsuper at operator ng TODA na nagtungo sa city hall para kunin ang ayudang P2,000.
Sa naturang mga insidente ay nalagay sa peligro ang libo-libong mamamayan na nalantad sa panganib na mahawa sa virus.
Dahil sa kawalan ng kaayusan at hindi pagsunod sa social distancing sa Balintawak market, iniutos ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang paglikha ng social distancing teams na bubuuin ng AFP at PNP na idedeploy sa mga pampublikong pamilihan.
Sinabi rin ni IATF spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na ipatutupad ang ‘one-entry, one-exit’ policy sa mga palengke upang makontrol ang paglabas at pagpasok ng mga mamimili.
Ang mahinang liderato ni Belmonte ang dahilan kaya sinusuportahan ng mga residente ng Quezon City ang panukalang ipailalim ang kontrol nito sa IATF.
Kulang anila sa malasakit ang grupo ng alkalde kaya hindi nito mapamunuan nang maayos ang lungsod.
Isang halimbawa na anila riyan ang inasal kamakailan ni Marasigan na dinaig pa si Pangulong Rodrigo Duterte na nagdiwang din nitong nakaraang Marso 28 ng kanyang 75th birthday sa isang simpleng tanghalian.
Habang umaapaw ang masasarap na pagkain sa mesa ni Marasigan, tanging kanin, sabaw at pritong isda naman ang kinain ng Pangulo sa kanyang kaarawan. SAKSI NGAYON NEWS TEAM
202 