SUGATAN ang isang pulis habang napatay ang isang umano’y notoryus na drug pusher matapos mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Malabon City noong Huwebes ng gabi sa gitna ng pinaiiral na enhanced community quarantine.
Ayon kay Northern Police District Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, nilalapatan ng lunas ang isa sa mga operatiba ng District Drug Enforcement (DDEU) na si P/Cpl.
Michael Aducal na umakto bilang poseur-buyer, sa Chinese General Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Hindi naman umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon ang suspek na si Aries Suva alyas “Estong Bato”, nasa edad 30, sanhi ng tama ng bala sa katawan habang ang isa niyang kasabwat na kinilalang si John Mark De Guzman, 20, ng Block 48, Lot 28, Phase 3 E2, Dagat-dagatan, Barangay Longos, na tinamaan din ng bala, ay nasakote sa follow-up operation ng mga tauhan ng DDEU at Malabon Police Special Weapons and Tactics (SWAT) team.
Sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, ang naarestong suspek ay isinugod sa Tondo Medical Center kung saan ito inoobserbahan habang hinahanting ng pulisya ang tatlong iba pa na ang isa ay kinilala sa alyas na “Bayag”, makaraang makatakas.
Ayon kay Gen. Ylagan, bandang alas-6:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU, sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr., sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao, ng buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Alupihan St., Block 48 sa Brgy. Longos.
Gayunman, nang mapansin ni Suva na isang undercover police ang kanyang katransaksyon ay agad nitong pinaputukan si Aducal na naging dahilan naman upang gumanti ng mga putok ang back-up na mga operatiba hanggang sa masapol sa katawan ang dalawa sa mga suspek.
Nakuha ng mga pulis sa crime scene ang pitong plastic sachets na naglalaman ng 20 gramo ng shabu na tinatayang P136,000 ang halaga, isang caliber .45 pistol na may magazine na kargado ng bala, at P500 marked money. (FRANCIS SORIANO)
378 