NAPAGKASUNDUAN ng pamunuan ng Manila Police District at ng mga punong barangay ang total lockdown sa buong Sona 21 sa ika-2 Distrito ng lungsod upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.
Nagsimula alas-12:00 ng tanghali hanggang kinabukasan ng alas-5:00 ng madaling araw ang total lockdown na ipinaiiral sa buong Sona 21 ng ika-2 distrito ng lungsod.
Pitong oras lamang mananatili sa labas ng bahay ang mga may quarantine pass at nakasuot ng face mask.
Ayon sa ilang barangay chairman, ang kanilang napag-usapang total lockdown ay upang maiwasan ang paglabas ng mga tao na wala namang gagawin sa labas ng kanilang tahanan.
Isa lamang sa bawat pamilya ang papayagang lumabas para bumili ng pagkain at gamot na kakailanganin lalo na iyong mga may sakit.
Kaugnay nito, nag-total lockdown na rin sa buong Sampaloc ngayong araw (April 20) sa loob ng 24 oras. Ang area ng Sampaloc sa District IV ang may mataas na bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 at pumapangalawa ang Distrito 1 at nasa pangatlo ang ika-3 Distrito. Upang huwag nang madagdagan ang bilang ng mga may COVID-19, napilitan mag-total lockdown ang nasabing mga lugar. (RENE CRISOSTOMO)
187 