Nag-operate kahit may ECQ 40 CHINESE INARESTO SA POGO

ARESTADO ang mahigit sa apatnapu katao sa isang illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Brgy. Tambo, Parañaque City ng pinagsanib na pwersa ng Regional Special Operation Unit (RSOU), Southern Police District at Parañaque City, police Biyernes ng gabi.

Kabilang sa naaresto ang apatnapu’t apat na Chinese nationals, labing-apat sa mga ito ang babae at siyam na Pilipinong lalaki, dakong 7:30 ng gabi sa Mayuga Compound, Brgy. Tambo, Parañaque City.

Ayon sa pulisya, nakatanggap ng tawag ang RSOU hinggil sa operasyon ng POGO sa nasabing lugar sa kabila ng pinaiiral na enhanced community quarantine.

Sumbong pa umano ng concerned citizen, may mga grupo ng Chinese nationals na pawang armado ang madalas makitang pakalat-kalat sa gabi at lumalabag sa curfew hour.

Agad nakipag-coordinate ang mga miyembro ng RSOU sa SPD at Parañaque City police upang beripikahin ang sumbong hanggang maabutan nila ang ilan sa mga suspek na nasa kalye at may mga nakasukbit na baril.

Nagsipagtakbuhan ang mga suspek papasok sa compound nang makitang papalapit ang mga pulis na nagresulta sa habulan dito na natuklasan ang ilegal na operasyon ng mga suspek.

Samantala, sinabi ng hepe ng Parañaque City Business Permit and Licensing Office na si Atty. Lanie Malaya, nakarating sa kanyang kaalaman ang report at agad siyang nagpadala ng mga tauhan upang magsagawa ng imbestigasyon.

Ayon kay Malaya, napag-alaman nilang ang mga suspek ay nangupahan sa apartment sa loob ng compound na ginawang isang business hub para sa operasyon nila na illegal online gaming. DAVE MEDINA

177

Related posts

Leave a Comment