CALAMBA CITY, Laguna – Balik probinsya na ang halos 250 katao na inabutan ng lockdown sa National Capital Region at Calabarzon area.
Nabatid na ipinasundo kamakalawa ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang mga kababayan na inabutan ng lockdown sa lugar ng kanilang trabaho.
Nagsimula ang programa ng gobernador noong Marso 23 at ngayon ay halos 1,000 katao na ang kanilang natulungang makauwi.
Nagpadala ng limang bus ang pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon para gamitin ng mga magbabalik-probinsya at nagsilbing terminal nito ang bus station sa Brgy. Turbina sa Calamba.
Ayon kay Public Order and Safety Office Chief Jeffrey Rodriguez, tinawagan ni Escudero si Calamba City Mayor Justin Chipeco upang maglaan ng bus station sa lungsod kung saan sasakay ang mga nais umuwi sa Bicol Region.
Samantala, upang mapanatiling COVID-free ang kanilang probinsya, sasailalim sa 14-day quarantine ang mga uuwing pasahero. CYRILL QUILO
195
