P1-M shabu nasamsam sa Cavite DRUG TRANSACTION TULOY KAHIT MAY ECQ

CAVITE – Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng calibrated community quarantine (CCQ) sa buong lalawigan ng Cavite ay patuloy pa rin ang transaksyon sa ilegal na droga, patunay ang mahigit P1 milyong halaga ng shabu na nasamsam sa 53-anyos na babae sa ikinasang buy-bust operation sa Dasmarinas City.

Nakakulong na sa Dasmarinas City Custodial Center ang suspek na si Flordelinda Cornell, dalaga, residente ng Brgy. Datu Esmael, Dasmarinas City, habang pinaghahanap ang nakatakas niyang kasama na si Javie Mala ng nasabi ring lugar.

Ayon sa ulat ni P/SSgt.  Ernesto Dasalla Jr., ng Dasmarinas City Police Station, dakong alas-9:00 noong Linggo ng gabi ay nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Drug Enforcement team (DET) sa pamumuno ni P/Capt.  Christel Carlo Villanueva, Dasmarinas CPS, at PDEA 4A, sa Brgy. Datu Esmael ng naturang lungsod kung saan target ang mga suspek.

Sa kalagitnaan, natunugan ni Mala na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya tumakas ito at iniwan ang kasamang si Cornell, ngunit sa kanyang pagtakbo ay nalaglag ang itim na sling bag na kinaroroonan ng tinatayang 200 gramo ng hinihinalang shabu na P1,360,000 ang street value.

Bukod sa hinihinalang shabu, nakuha rin sa nasabing bag ang mga bala ng .45 kalibreng baril at P85,000 halaga ng buy-bust money. (SIGFRED ADSUARA)

199

Related posts

Leave a Comment